Home » Features, Headline

“Ang alay ninyong kaalaman, gamit namin sa pag-unlad ng bayan”

13 March 2012 No Comment

Mensahe ni Rep. Antonio L. Tinio sa mga magsisipagtapos na estudyante ngayong Akademikong Taon 2011 – 2012

 

Isa marahil sa pinakagasgas na kasabihan patungkol sa kabataan ay sila nga daw ang pag-asa ng bayan. Dahil sa kanilang natatanging galing at talino, bukas ang isipan ng kabataan sa mga bago at progresibong ideya. Maliban sa pag-aaral, hindi tali ang oras ng youth sector sa produksyon o paggawa. Likas ang sigasig at sikhay sa bawat gawain at usapin na naaatas sa kanila, mula sa simpleng assignment sa eskwela hanggang sa pakikialam sa mga suliranin na kasalukuyang kinakaharap ng lipunan.

Dahil sa ganitong katangian ng kabataan, hindi maiiwasang idikta sa kanilang mag-aral na lamang at huwag munang makialam sa mga usapin ng lipunan. Ngunit para sa kabataan na nakararamdam ng kahirapan at krisis bunsod ng kawalan o kakapusan ng trabaho ng kaniyang mga magulang, kasabay ng kabi-kabilang pagtataas ng matrikula at iba pang bayarin, hindi naman nila maiiwasang magtaka at magtanong kung bakit nga ba ganito.

Napakaliit ng badyet na inilalaan ng ating gobyerno para sa edukasyon at serbisyong panlipunan kung ihahambing sa pangangailangan ng mga mamamayang dapat paglinkuran. Hindi naman siguro bago sa atin ang kakulangan sa guro, libro at mga klasrum. Nagkakasya tayo sa paggamit ng dalawa hanggang apat na estudyante sa iisang libro, pagsisiksikan ng mga mag-aaral sa maliit na silid aralan at ang kakarampot na sahod ng ating mga guro. Kung makatapos man ang iba sa high school, hindi rin naman tiyak ang kanilang pagpasok sa kolehiyo dahil sa taas ng matrikula, maging sa mga State Universities and Colleges. Para sa mga masuwerteng nakatapos naman ng kolehiyo, walang kaseguraduhan kung may naghihintay man sa kanilang trabaho. Dahil dito, tila kumakapit sa patalim at nakikipagsapalaran ang ibang mga kabataan sa ibang bansa. Sa paglabas natin ng paaralan, tatambad sa atin ang kalagayan ng ibang kabataan. Mayroong mga out of school youth at mga kabataang hindi man lang nakatungtong sa paaralan. Hindi dahil sila ay tamad o likas na mahina ang utak. Ito ay dahil sa lumalalang krisis pangekonomiya na patuloy na pumipigil sa pag-unlad ng mamamayang Pilipino

Ang kawalan ng industriya sa kalunsuran at makabagong agrikultura sa kanayunan, ang pagpayag ng gobyerno sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at ng mga bilihin, ang patuloy na pagkaltas sa badyet ng eduksyon—ito ang ilan sa mabibigat na isyu na kinakaharap ng ating lipunan. Ngunit napatunayan na ng kasaysayan, mula pa noong panahon nina Andres Bonifacio, patuloy sa First Quarter Storm, EDSA I at EDSA II, hanggang sa kasalukuyan—hindi matatawaran ang husay at tapang ng kabataan sa pakikipaglaban hindi lamang para sa karapatan ng kanilang sektor kundi para na rin sa lahat ng mamamayang inaapi. Bitbit ang panawagan para sa reporma sa lupa, dagdag sahod para sa mga manggagawa, karapatang pantao at edukasyon para sa lahat, napagtatagumpayan ng kabataan ang mga laban nito hanggang sa kasalukuyang panahon.

Sa panahong umiigting ang krisis panlipunan, isang mabigat na tanong para sa ating mga magsisitapos: Handa ka bang paglingkuran ang sambayanan? Handa ka bang panindigan na ikaw nga ay bahagi kabataang pag-asa ng ating bayan? Handa ka bang tulungan ang mga kababayan mong pinagsasamantalahan at tinatanggalan ng karapatan? Kung oo, hindi nasayang ang pagod at pawis ng mga magulang mo sa pagpapalaki at pagpapaaral sa iyo, hindi nasayang ang sakripisyo ng iyong mga guro sa pagbabahagi sa iyo ng kaalaman. Ngunit may isa pang malaking hamon para sa inyo: gaya ng winika ni Gat Jose Rizal na ang kabataan ang pag-asa ng bayan, ang pag-asa ng kinabukasan, ang hamon sa inyo ay huwag nang ipagpabukas. Kabataan, maging pag-asa ngayon na!

(pinahihintulutan ang pagpaparami at pag re print ng artikulong ito)

 

Comments are closed.