Home » Activities

ACT Teachers Party-List Rep. Antonio Tinio’s Explanation of NO Vote to the HB 5636 or the Tax Reform Acceleration and Inclusion Bill

31 May 2017 No Comment

Bumoto po ako ng NO sa Tax Reform Package ng administrayong Duterte.

tinio TRAIN

Mr. Speaker, kasama ako sa mga unang inilistang co-author ng bill na ito at ang dahilan ay ang aming panukala para sa pagbaba ng income tax ay ipinaloob sa paketeng ito. Matagal na po nating inilalaban na usapin ng hustisya ang kagyat na pagbaba na ng income tax lalo na ng mga fixed income earners— lalo na yung mga Pilipinong may trabaho at may sweldong regular na mababa hanggang katamtaman ang kita. Kung ito lang ang nilalaman ng panukalang batas ay boboto ako ng YES dahil kung napasa po ito. Malinaw po na malaki ang magiging pakinabang ng ating mga kababayang sumusweldo. Kung ikaw po ay kumikita ng Php20,0000 a month, halimbawa ay isang public school teacher, mararamdaman mo po ang mas malaking take home pay na sabihin nating mga Php2,000 a month so substansyal po ang magiging pakinabang dito. Katulad ng sinabi ko, kung ito lang ang paguusapan natin, boboto po ako ng YES.
Sa kasamaang palad, ang desisyon po ng administrasyong ito ay ipakete ang pagwawasto ng ating income tax sa pagpataw ng mga bago at napakabigat na buwis lalo na mabigat sa maralita. Ito na nga ang excise tax sa mga produktong petrolyo lalo na sa sa diesel, kerosene at LPG—at lalong mabigat din ang pagpatong ng VAT sa mga produkto at serbisyo na kasalukuyan ay walang VAT.
Mr. Speaker, katulad ng sinabi natin kanina, makikinabang po ang mga regular na sumusweldo, yung mga lower- and middle-income earners kaya kung tumaas man ang mga presyo ng bilihin, ng mga produkto at serbisyo, meron silang mas malaking take home pay na pagkukunan ng pambayad sa pagtaas. Pero paano po ang kababayan natin, ang mayorya ng mga Pilipino na walang trabaho, walang regular na sweldo — sila po ang pinakamabigat na pipigain ng buwis na ito. Kaya po hindi natin matatanggap ito.
Dalawang tanong lang po sa bawat tax measure ang kailangan sagutin natin. Una: Galing kanino ang buwis? Sinabi na natin na ang pinakamabigat na mapipiga rito ay ang ating maralitang mga kababayan. Ang susunod na tanong: Para kanino ang buwis na ito? Paulit-ulit na sinasabi ng administrasyon na kailangan daw ito para sa infrastructure. Ano ba ibig sabihin ng infrastructure na yan, Mr. Speaker? Bakit pipigain ang mga kababayan natin lalo na ang mga maralita? Pag sinabing infrastructure, ang ibig sabihin nyan ay infrastructure para sa mga export processing zone, para sa mga minahan, para sa mga hacienda, sa mga agri-business ventures, para sa turismo—at sino ang makikinabang dito? Ang pangunahing makikinabang dito ay ang mga dayuhang investor at ang kanilang mga kasosyo. Sa madaling sabi, Mr. Speaker, ang buwis na ito ay manggagaling sa mahihirap at pangunahing pakikinabangan ng mga mayaman kaya po hindi natin ito matatanggap at bumoto tayo ng NO. ###

Comments are closed.