Home » Features, Headline

FAQ!: Ukol sa Pagdodoble sa Sahod ng mga Pulis at Militar

13 December 2017 No Comment

Frequently Asked Questions
on the Duterte administration’s Joint Resolution pending in Congress increasing the base pay of military and uniformed personnel

(Part 1)

Ilang araw na lang at ilulusot na sa Kongreso ang House Joint Resolution 18 at Senate Joint Resolution 9 na sa average ay magdodoble sa suweldo ng mga sundalo, pulis, at iba pang military and uniformed personnel sa gubyerno. Hindi ito iinit sa mesa ng Pangulong Duterte, pipirmahan agad, gagawing pamaskong handog, at ipatutupad agad pagpatak ng 2018.

Sa gitna ng debate, sa gitna ng paglaban natin para sa #SalaryIncreaseParaSaLahat sa loob man o labas ng Kongreso ay lumabas ang mga sumusunod na tanong laban sa ating paninindigan:

FAQ#1: “Bakit magsa-salary increase e wala namang pondo?”

Ito ang laging binabato sa atin sa tuwing tinutulak natin ang ating karapatan sa nakabubuhay na suweldo. Pero ang hirap paniwalaan kung year in at year out, laging may naisasantabi ang Kongreso at administrasyon para sa papalaki at papalaking congressional at presidential pork barrel, at wala para sa taas-suweldo. Laging may nama-magic na pondo para sa mga programang anti-mamamayan pero wala para sa salary increase. At ngayon—mas mabilis pa sa alas-kwatro—nahanapan agad ng P63.4 billion para doblehin ang suweldo ng mga pulis at sundalo. Ika nga, Kung ayaw, sandamakmak ang dahilan. Kung gusto, maraming paraan.

At ngayong nasa usapin naman na tayo ng paraan, paano nga pala nagkaroon bigla ng pondo para sa salary increase ng pulis at militar? Ayon sa mga nagtutulak ng panukala, nahanapan ng pondo dahil nagkaroon ng savings ngayong taon sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund, ang tawag sa lump sum para sa ilang benepisyo ng lahat ng government employees gaya ng Performance-Based Bonus—ang mismong bonus na tinapyasan ngayong 2017 at ginawang 65% ng basic salary na lang mula sa dating 1-2 months salary.

Connect the dots: ang pondong dapat para sa lahat ng government employees, na 80% ay mga sibilyan, ay tinipid at binigay sa militar at pulis lamang.

FAQ #2: “Bakit nilalabanan niyo ang salary increase ng pulis at militar e pareho naman tayong mga kawani ng bayan?”

Hindi tayo tutol sa salary increase ng pulis at military. Sa katunayan, bago pa man hinain ang House and Senate Joint Resolutions ay matagal nang naka-file (noong July 2016 pa) ang panukala ng ACT Teachers at ng buong Makabayan bloc na House Bill 56, An Act Increasing the Minimum Salaries of Public School Teachers and other Government Employees and Augmenting the Personnel Economic Relief Allowance. Malinaw sa ating bill na ang panawagan natin ay SALARY INCREASE PARA SA LAHAT—parehong sibilyan at militar—na may minimum na suweldo na P16,000 para sa SG1. Malinaw rin ito sa proposed amendment ng ating mga Kinatawan, noong tinatalakay sa Lower House ang House Joint Resolution 18, na isama ang lahat ng kawani ng gubyerno sa coverage ng increase, bigyan ng P3,000 increase ang bawat civilian at military and uniformed employee—amendment na mabilis na tinangihan ng administrasyon sa pamamagitan ng sponsor ng HJR 18.

Totoo: Pare-pareho naman tayong mga kawani ng bayan. Kaya ang sigaw natin: Dapat ay walang malulugi, dapat ay walang maiiwan.

FAQ#3: 
“Bakit tinatabla natin ang reward para sa mga pulis at sundalo na buhay ang inaalay sa serbisyo?”

Ang kadikit sa argumentong ito ng DBM at administrasyon: Mataas ang risks ng trabaho ng mga sundalo at pulis—Na tila walang risks na kinakaharap araw-araw ang mga sibilyang empleyado sa kanilang trabaho. Na tila hinihiling ng gubyerno na literal na magbuwis ng buhay ang mga sibilyan sa ngalan ng serbisyo. Na mas mababa ang halaga ng serbisyo ng mga sibilyan kaysa sa serbisyo ng mga unipormado.

At muli, hindi natin tinatanggihan ang pangangailangan ng mga sundalo at militar sa salary increase. Ang sa atin lang, may pantay na halaga, pantay na pangangailangan ang mga sibilyan na empleyado—pangangailangang dapat na agarang harapin ng gubyerno.

FAQ#4: “Bakit ipagsasabay ang salary increase ng militar at pulis sa salary increase ng mga sibilyan e ‘di naman pwede?”

Baliktad po: Hindi pwedeng hindi ipagsabay dahil sa tuwing may nauuna, may naiiwan. Sa katunayan, tayong mga empleyadong sibilyan sa gubyerno ay maiiwan ng todo-todo dahil magkakaroon ng malaking salary distortion sa pagitan natin at mga sundalo at pulis, kahit pareho o magkalapit o mas mataas ang qualifications at years in service.

Halimbawa, kahit candidate soldier o trainee sa AFP na 72 units lang sa college o techvoc ang kailangan, ay P18,587 na ang matatanggap kada buwan simula 2018, na tataas muli sa 2019. Samantala, libu-libong rank-and-file sa Salary Grades 1-10, na may kapareho o mas mataas na qualifications, ay P10,510 to P18,718 lang ang matatanggap. Ang entry-level na pulis (PO1) o may ranggong Private na militar ay makakatanggap ng P29,668, halos P10,000 ang agwat sa suweldo ng entry-level na teacher o nurse, o secretary, Registrar I, at Guidance Counselor I na nasa SG11. Take note na sila ang frontliners sa schools, hospitals, at government offices, at bumubuo ng mayorya sa burukrasya.

(Basahin ang Part 2 dito)

 

#SalaryIncreaseParaSaLahatSa2018!
#ParaSaGuroKawaniAtBayan