Home » Activities

Petisyon Laban sa Pagtatanggal ng CHED sa Wikang Filipino sa Kolehiyo

13 May 2015 No Comment

Noong Hunyo 28, 2013, inilabas ng CHED ang Memorandum Order No. 20, Series of 2013 na nagtatakda ng bagong General Education Curriculum na dapat gamitin sa lahat ng mga pampubliko at pribadong kolehiyo at unibersidad.  Tinanggal ng CMO ang Filipino bilang asignatura o sabjek (mula sa takdang anim hanggang siyam na yunit) at bilang wikang gagamitin sa pagtuturo.  Tinanggal din ang mga sabjek na Panitikan/Literatura at Philippine Government and Constitution.

Noong Abril 15, pormal na kinuwestiyon ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio ang CMO No. 20 sa Korte Suprema dahil sa paglabag nito sa mga probisyon ng Konstitusyon na nangangalaga (1) sa Filipino bilang ating wikang pambansa, (2) sa karapatan ng mamamayan sa edukasyon, at (3) sa karapatan ng mamamayan sa paggawa o trabaho.  Kasama ni Rep. Tinio ang 85 pang petisyoner, kabilang si Bienvenido Lumbera (Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan), mga kapwa Kinatawan sa Kongreso na sina Rep. Terry Ridon (Kabataan Party-List) at Rep. Fernando Hicap (Anakpawis Party-List), mga propesor at opisyal ng di bababa sa 14 kolehiyo at unibersidad, ilang manunulat, manunula, at personalidad, at mga kasapi ng Tanggol Wika (Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wika).

Hinain ang Petisyon bilang class action sa ngalan ng libu-libong guro, nagbabayad ng buwis, at mamamayang Filipino laban kay Pangulong Benigno S. Aquino III at Punong Komisyoner Patricia Licuanan ng Commission on Higher Education.  Ang ating Petisyon marahil ang kauna-unahang petisyong ihinain sa Korte Suprema na nasusulat sa wikang Filipino.

Mula sa ating Petisyon:

Papatayin ng Bagong General Education Curriculum (GEC) na nais ipatupad ng CHED sa pamamagitan ng CHED Memorandum Order No. 20, Series of 2013 ang wikang Filipino—ang wikang pambansa ng Pilipinas—at iba pang asignaturang mahalaga sa pagpapatibay ng pambansang identidad, kamalayang pangkultura at nasyonalismo gaya ng Panitikan/Literatura at Philippine Government and Constitution.

Magreresulta rin ang CMO No. 20 sa malawakang tanggalan sa trabaho ng humigit-kumulang 78,000 guro at manggagawa sa sektor ng edukasyon ayon mismo sa datos ng CHED.

“Ang isang kalatas pangregulasyon na kikitil sa ating sariling wika at mga asignaturang bahagi ng ating pambansang identidad at kamalayan at mahalaga para sa pambansang pagsulong at dudulo sa malawakang tanggalan ng mga maggagawa sa sektor edukasyon ay labag sa Konstitusyon at kung gayon ay dapat agarang ibasura.”

Noong Abril 15, naglabas ang Korte Suprema ng isang indefinite temporary restraining order upang pigilin ang implementasyon ng CMO No. 20, partikular ang pagtanggal nito sa kolehiyo ng Filipino at Panitikan.  Inutusan din ang mga Respondent na sagutin ang ating Petisyon sa loob ng sampung araw mula nila matanggap ang TRO.  Hanggang sa panahon ng posting na ito ay hindi pa natin natatanggap ang sagot ng CHED.

Hindi pa po tapos ang laban natin sa anti-Filipinong bagong kurikulum sa kolehiyo dahil (1) pansamantala lamang ang ating TRO at (2) hindi pa nagde-desisyon ang Korte Suprema kung itutuloy nito ang ligal na proseso hanggang desisyunan nila ang ating Petisyon (“without giving due course to the petition”).  Samakatuwid ay kailangan pa nating paigtingin ang kampanya para sa pagpapanatili sa kolehiyo ng Filipino, Panitikan/Literatura, at Philippine Government and Constitution.

Manila Bulletin: SC issues TRO on move to remove Filipino from college curriculum

Comments are closed.