Home » Activities

Privilege Speech of Rep. France Castro on the Killing of Kian Delos Santos and the call to End the President’s War on Drugs

23 August 2017 No Comment

Privilege Speech of Rep. France Castro on the Killing of Kian Delos Santos and the call to End the President’s War on Drugs

Mr. Speaker, Ako po ay isang ina at isa din po akong guro. Noong nabalitaan ko ang nangyari kay Kian ay bigla kong naalala ang aking dalawang anak. Dalawang lalaki ang aking anak kaya damang dama ko ang paghihirap ng puso ng mga magulang ni Kian Loyd Delos Santos na pinatay – walang awang pinatay ng Caloocan police bilang bahagi ng kanilang “One-Time, Big-Time” operation or Oplan Galugad noong huwebes ng gabi.

Pangatlo sa apat na magkakapatid. Grade 12 student sa Our Lady of Lourdes sa Valenzuela. Ang binatilyong si Kian ay nahilig sa panonood ng Narcos, isang American tv crime drama na tungkol sa pagsugpo ng droga. Si Kian na isang mapagmahal na anak ay nangahas mangarap na maging isang pulis, maging tagapagtanggol at tagapagligtas balang araw. Nangako siya sa kanyang ina na makaaagapay na sya sa mga gastusin ng pamilya once na makapagtapos sya. Pauuwiin na ang kanyang ina upang hindi lumayo pa para lang kumita nang sapat.

3 deadly gunshots. Yan pala ang kikitil sa matatayog na pangarap na naglaho sa isang iglap. Habang nagsasara ng kanilang maliit na tindahan ng school supplies si Kian noong alas otso ng gabi, siya’y tinugis ng mga pulis at nakorner sa isang dead-end sa kanila. Kitang-kita sa CCTV footage ang pagkaladkad kay Kian ng mga pulis. Natagpuan ang bangkay ni Kian, suot ang pantulog na boxers. Nagtamo ang kanyang katawan ng 3 tama ng bala na malinaw na nanggaling sa kanyang likuran. Walang kalaban-laban si Kian. Tinamnan ng dalawang sachet ng shabu at 45 kalibreng baril.
Noong linggong iyon din po ay sunod-sunod ang pagpatay sa Maynila, Caloocan at Bulacan.

Paano po tayo humantong sa ganito?

Pagsugpo sa droga at kriminalidad – yan ang pangako ni Pangulo. Lahat naman ho tayo, Mr. Speaker ay naniniwalang dapat mapuksa ang problema ng illegal na droga sa ating lipunan. Ngunit ano ang ating napala sa walang habas na war on drugs? Libo-libo ang patay, karamihan ay mga mahihirap, mga nasa maralitang komunidad.

Sabi ni Pangulo at ni PNP Chief Bato Dela Rosa na sagot nila ang mga pulis nila. Kaya’t tuluyang tumapang at naglakas loob ang mga pulis sa kanilang sunod-sunod na operasyon. Drug suspect, runner o pusher raw si Kian at siya ay ‘nanlaban’—yan na ho ang modus operandi ng mga element ng PNP upang pagtakpan ang kanilang pagpatay.

Sa halip na maging mas ligtas ay mas lalo pa hong nawalan ng kasiguruhan ang kaligtasan ng kahit sinong maglalakad sa daan. Sa nakalipas na isang taon, naghasik ng takot ang kapulisan. Mayroong natotokhang gabi man o kahit tanghaling tapat. Lahat raw ay nanlaban. Summary killings ang naging kalakaran. Hindi po si Kian ang unang menor de edad na binawian ng buhay ng war on drugs.

Ang tokhang ay paglapastangan sa pundamental na karapatan ng bawat tao sa due process of law. Tinanggalan ang bawat taong pinatay ng pagkakataong mapakinggan at mahusgahan sa harap ng hukom bilang inosente o nagkasala.

Malinaw po ang Sec. 1 ng ating Bill of Rights that “No person shall be deprived of life, liberty, or property without due process of law, nor shall any person be denied the equal protection of the laws.” Ibig hong sabihin ay pusher man o hindi, adik man o hindi lahat ay may karapatang magpaliwanag.

Ang mga sangkot sa kontrobersyal na P6.4 Billion- shabu sa customs ay inimbitahan sa ilang mga pagdinig dito sa Kongreso. Ang mga malalaking tao na pinaghihinalaan ay hiningan ng mga pahayag, humarap sa kongreso, sa senado at mga hukom. Sila po ay pinakinggan, hindi pinatay.

Ang giyera kontra droga na ito ay giyera kontra mahihirap. Naka tsinelas, naka sando. Inamin mismo ng mga pulis na hirap silang makapasok sa mga exclusive villages tulad ng sa Makati. Okay lang naman daw ito dahil may kakayahan namang magpagamot ang mga mayayamang taga village, kakayahang magkaroon ng mga family physician kaya’t makakapag rehab kung gugustuhin. Dito po natin makikita Mr. Speaker na ang pinupuntirya ng drug war na ito ay ang mga tulad ni Kian na anak ng isang OFW at isang amang tumatao sa maliit na tindahan. Pinili pong puntiryahin ng ating kapulisan ang mga tulad ni Kian na naghihikahos, na gusto lamang makapagtapos ng pag-aaral para sa ikagiginahawa ng pamilya.

Malinaw sa autopsy at mga report na murder ang ginawa kay Kian. Ngunit ano ang naging sagot ni PNP Chif Dela Rosa? Napakatigas ng kanyang puso tulad nga ng isang bato nang pinagtanggol pa ang lehitimo raw na operasyon ng Caloocan 7 Drug Enforcement Unit.
Hindi sasapat ang pagkakulong sa mga pumatay kay Kian. Mr. Speaker, ang malagim na sinapit ng binata ay dagdag patunay lamang na ang Oplan Tokhang ay isang pasistang at kontra-maralitang patakarang nagtatago sa likod ng kampanya kontra droga. Si Kian ay pinaratangang sangkot sa illegal na droga at basta-basta na lamang pinatay.

Ako po ay labis na nababahala Mr. Speaker, tulad ng kalakhan ng mga guro, kawani at mga mag-aaral sa nalalapit na tokhang sa mga paaralan. Sa bisa ng CHED Memo No. 64 ay binabasbasan ng ang mga higher education institutions na gawin dagdag na admissison requirement ang mandatory drug tests. Dagdag itong harang sa pagkamit ng mga kabataan sa kanilang karapatan sa edukasyon.
Ang Deped naman ay naglabas ng DO # 40 and # 37 na nagmamandato ng random drug testing sa Senior High schools. Ano ang kasiguruhan natin na rehabilitation ang interes at tunguhin ng mga palisiyang ito kung ngayon pa lamang ay libo-libong mga mamamayan, mga mahihirap at ilan pa ay menor de edad ang pinapatay agad. Habang sina Peter Lim, Kenneth Dong, mga Chinese smugglers at maging si Paolo Duterte mismo ay hindi tinutugis ng administrayon.

I fear that the drug testing directed by DepEd and CHEd will claim more lives and give greater license to police to conduct tokhang-like operations involving students, teachers, and personnel and in schools. Children are already being made victims of tokhang even without the drug testing. What more if it is fully implemented in our schools, against our students and teachers? They say it’s for rehabilitation and prevention but in an anti-drug campaign such as this, no rehabilitation and prevention at all will happen.

Itong giyera kontra droga ay tunay ngang isang giyera kontra mamamayan na karamihan ay mga maralita na pinapatay base lamang sa mga suspisyon o sabi-sabi ng mga kapulisan. Nararapat lamang na kagyat na itigil na ni Pangulo ang kanyang war on drugs. Dapat itigil ang pamamaslang at bigyang hustisya ang mga nabiktima na. Hustisya.

Thank you Mr. Speaker. ###

 

Comments are closed.