Home » Features

Rep. Antonio Tinio’s Privilege Speech on School Opening and K+12

13 June 2011 8 Comments

Batasang Pambansa

Hunyo 6, 2011


Mr. Speaker:

Ngayong araw, nasaksihan natin ang pagbubukas ng School Year 2011-2012. Ito ang kauna-unahang school opening sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Sa kasamaang palad, bago man ang administrasyon, nananatili pa rin ang mga lumang problema. Tumampok ngayon ang mga kakulangan ng guro, klasrum, toilet, at upuan. Ayon sa Department of Education, umaabot sa 101,612 ang shortage ng regular teachers, 66,800 ang shortage ng klasrum, 2,573,212 shortage ng upuan, at 135,847 ang shortage ng mga toilet.

Dito lang sa Batasan Hills National High School, na nariyan lang sa tapat ng Batasang Pambansa at binisita ko kaninang umaga, umaabot sa 80 hanggang 100 ang mga estudyante sa bawat klase. May ilang mga klase pa nga na walang upuan, kaya nakasalampak lamang sa sahig ang mga estudyante

Dito naman sa Payatas B Elementary School, na malapit din dito sa Batasan  at binisita ko rin kanina, dahil sa kakulangan ng klasrum ay hinati sa dalawa ang kanilang 24 na klasrum at doon siniksik ang bawat klase, na umaabot sa 60 o 70 ang bilang ng estudyante.

Sa madaling sabi, sa kanyang unang taon ng panunungkulan, bigo ang administrasyong Aquino sa pagtugon sa problema ng shortages. Malayong makamit ang ipinangako ni Sec Armin Luistro dito mismo sa Kongreso na masosolusyonan ng administrasyon ang mga shortages sa unang 2 taon ng kaniyang panunungkulan.

Ngunit sa hapong ito, nais kong pagtuunan ng pansin ang natatanging programa sa edukasyon ng Aquino administration—walang iba kundi ang K+12. Ngayong SYang unang implementasyon ng K+12, partikular ang universal kindergarten, o kindergarten para sa lahat ng batang may limang taong gulang.

Nagkakaisa ang lahat sa kahalagahan ng universal kindergarten. Susing hakbang ito upang mabawasan ang napakataas na bilang ng tumitigil sa unang apat na baitang ng elementarya.

Noong nakaraang taon, may 1.5 milyong bata na nakaenrol sa kinder- 500,000 sa pribado at 1 milyon sa public schools. Ngayong taon, ibubukas ng Deped ang kindergarten sa dagdag na 1 milyong batang may 5 taong gulang. Sa nakaraang anim na buwan, agresibong hinikayat ng Deped na magenrol ang mga 5 taong gulang sa kinder. Makasaysayan ang pagkakataong ito na babalikatin na ng estado ang kinder para sa lahat, laluna sa maralita. Sa mahabang panahon, mga maykaya at mayaman lamang ang nakakapag-aral ng kinder.

Kaya nasa interes ng lahat na maipatupad ng maayos ang universal kindergarten. Sa kasamaang palad, at batay sa nasaksihan natin ngayon, hindi ito nangyayari.

Magsimula tayo sa badyet. Sa 2011 GAA, mayroon lamang 2.33 bilyon na nakalaan para sa early childhood education. Dahil dito, ayon sa Deped ay may kakulangan ng 34,900 guro at 26,500 klasrum para sa kindergarten.

Ano ang naging tugon ng Deped dito? Kung maiksi ang kumot, paano siya namaluktot?

Noong Mayo 4, naglabas si Sec Luistro ng Deped Order No 37 “Policies and Guidelines on the Implementation of the Universal Kindergarten Education for SY 2011-2012.”

Ganito ang patakarang inilatag niya kaugnay sa kakulangan ng klasrum:

 

(1) Schools without Kindergarten classrooms shall utilize available classrooms, library, science laboratory, home economics building, resource center, and other available spaces.

(2) In cases where classrooms and other spaces are not available within the school premises, school heads are urged to link with the Local Government Units (LGUs) for the use of existing day care centers and/or barangay halls.

 

Mr. Speaker, ganito ba ang patakaran ng isang matinong gubyerno? Hihikayating mag-enrol ang lahat ng 5 taong gulang kahit wala palang klasrum na paglalagyan, kaya pagkakasyahin na lamang sa kung saan, “any available spaces?”

Hindi lang iyan, Mr. Speaker. Upang tugunan ang kakulangan ng kinder teachers, itinatakda ng Deped Order no 37 ni Sec Luistro na gagamit ang Deped ng Kindergarten Volunteer Teachers. Ayon sa order, ito ang requirements para maging volunteer teacher:

 

  • Bachelor’s degree holder in education or education related courses
  • Preferably resident of the community where the school is located; and
  • Registered as volunteer in the school and/or division office.

 

Kapansin-pansin na hindi hinihingi ng Deped ang Lisensya mula sa PRC, na makukuha lamang ng mga education graduate na pumasa sa Licensure Examination for Teachers. Sa madaling sabi, patakaran ngayon ng Deped na kumuha ng mga unqualified and unlicensed teachers para magturo ng kindergarten. Papayag ba tayo na magtrabaho sa ospital ang isang unlicensed nurse? Papayag ba tayo na magtayo ng building o tulay ang isang unlicensed engineer? Bakit pumapayag ang Deped na pagturuin ang mga unlicensed teacher?

Hindi lang ito tahasang pagsakripisyo sa kalidad ng edukasyon, malinaw na paglabag ito ng umiiral na batas, partikular ang RA No 7836 “Philippine Teachers Professionalization Act of 1994.” Sa Section 27 nito, malinaw na nakasaad na: “no person shall practice or offer to practice the teaching profession in the Philippines or be appointed as teacher to any position calling for a teaching position without having previously obtained a valid certificate of registration and a valid professional license from the Commission.”

Ayon sa Deped Order No 37, babayaran ang mga volunteer teacher ng honorarium na P3,000 kada buwan. Hindi ko na kailangang ipagdiinan na hindi makatao ang pasweldong ito. Sa katunayan, sa sobrang baba ng kompensasyon, sa maraming paaralan ay may kakapusan ng mga aplikante para sa volunteer kindergarten teacher.

Bilang kinatawan ng mga guro, aking kinokondena ang iskemang volunteer teacher na ito, na mas masahol pa sa kontraktwalisasyon, na nagbabale-wala ng professional qualifications sa pagtuturo at nagtatakda ng sagad na pambabarat sa kompensasyon ng mga guro.

Mr. Speaker, nakalulungkot mang sabihin, pero dahil sa mga nabanggit, malinaw na “walang K” ang K+12 ng administrasyong Aquino. Walang kahandaan, walang kalidad, at walang karapatan. Kung ganito rin lamang ang implementasyon ng flagship educational reform ni PNoy, ay malinaw na hindi karapat-dapat na ipatupad ito at ipailalim sa programang ito ang mga kabataang Pilipino.

Ngunit hindi pa huli ang lahat.

Nananawagan tayo ngayon sa Malakanyang at Deped na isantabi ang Deped Order No 37, mga kwalipikado at lisensyadong teacher lamang ang pagturuin sa kinder, paswelduhan sila ng disente. Magtipid na sa lahat ng iba pang rekurso kung kinakailangan, ngunit huwag kailanman tipirin ang mga guro.

Upang maisagawa ito, kailangang magtulungan ang Malakanyang at Kongreso upang maglaan ng karagdagang pondo para sa universal kindergarten sa pamamagitan ng isang supplemental budget.

Tungkulin at responsibilidad natin ito sa mga guro, at higit sa lahat, sa mga kabataang Pilipino.

Bilang pangwakas, nananawagan ako sa Kongreso na maglunsad ng imbestigasyon, sa pangunguna ng Committe on Basic Education and Culture, sa kahandaan at pagpapatupad ng deped sa universal kindergarten education.

Maraming salamat, Mr. Speaker.#

 

 

  • Giannaviolareese

    How about the Day Care workers who were trained in 5-Year-Old Curriculum? Are they not qualified to teach 5-year-old children enrolled in there Day Care Centers?

  • Giannaviolareese

    how about the Day Care workers who were trained in the 5-year-old curriculum by DepEd are they not qualified to teach/handle 5-year-old children in their Day Care Centers?

  • Ricardo F. Maulion

    Tumpak Mr. Tinio!

  • Quince

    gusto ko na po magquit sa ganitong sitwasyon. LET passer naman po ako at maganda ang mga work experiences ko, pero sa ganitong pamamalakad sobrang nadedegrade ang pagkatao ko. hindi ko na po alam gagawin ko, pati ng mga kasama ko sa bang lugar. Ako pa po nagpoprovide lahat ng kailangan ng mga bata at ng room. salamat po. sana marinig tayo ng nasa taas. Kung magpapatuloy po ang ganitong sistema, mabuti pang huwag nalang ipagpatuloy ang pagiging guro. Basta lang makagawa ng Memo ang DepEd, Hndi nila pinag-iispan kung sino ang mahihirapan. Napaisip tuloy ako, kung dumaan ba ang secretary natin sa pagiging guro? Kaya wala silang paki-alam sa mga karapatan natin?

  • Emerdjay_ilagan

    question lang po..uhm..gusto ko po sana maging volunteer teacher..kaso di ko po alam kung paano magaapply at saan..may trabaho kasi ako sa gabi and free time ko mula 12pm hanggang 7pm..sayang kasi kung itutulog ko lang..if ever gusto ko po sana makatulong..college graduate po ako kaso BSIT po course ko..pwede po kaya ako maging volunteer teacher? tagacavite po ako sa bacoor..THANKS!

  • Guest

    could you find time to visit teacher groups in the province…

  • Goofy_4035

    Rep. Antonio Tinio, could you find time to visit teacher groups in the province?

  • Sharlenegal

    .., ang hiling ko sana,..sana taasan naman nila ang sahod ng kinder teachers,..maawa naman po kau sa mababang katula namin…