Home » Activities, In The News

Rep. Castro siningil sa DBM ang union incentives para sa mga titser

24 August 2016 No Comment

NEWS RELEASE
Ika-24 ng Agosto 2016
Sanggunian: Rep. France L. Castro (0920-969-8457)

Rep. Castro siningil sa DBM ang union incentives para sa mga titser

Iginiit ni Rep. France Castro ng ACT Teachers Party-List sa Department of Budget and Management (DBM) ang paglalaan ng pondo para sa Collective Negotiation Agreement (CNA) incentive para sa mga pampublikong guro kahapon sa unang araw ng pagsalang sa pagdinig ng 2017 Badyet.

Ang CNA incentive ay ang benepisyong makukuha ng mga kawani sa bisa ng naaprubahan at naipapatupad na CNA sa pagitan ng mga kawani at ng ahensyang kinabibilangan nila. Nilinaw ng kongresista na sa kasalukuyan ay nakadepende sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) savings ang pondo para sa naturang incentives.

“Sa pamamagitan ng mga Budget Circulars ng DBM, natatali sa kung ano lamang ang matitipid mula sa MOOE ang nagagamit para sa mga incentives ng mga titser. Masaklap ito sa harap ng reyalidad na hindi na nga sumasapat ang MOOE upang punan ang mga pangangailangan sa paaralan,” aniya.

“Sa kasalukuyang tala, walang nagagamit para sa CNA incentive fund dahil tatlong paaralan lamang sa NCR ang nagdeklara ng MOOE savings kaya ang ACT Teachers Party-List ay nananawagang ibasura ang Budget Circular 2014-2 at isama sa 2017 Budget ang item para sa pondo ng CNA incentive,” dagdag ni Castro.

“Isang patunay ang CNA sa pagitan ng ACT-NCR Union at DepEd-NCR na napirmahan noong Mayo 2015. Mahigit isang taon na ang nakalipas mula nang pirmahan ito ngunit wala pa ring sapat na pondo para sa naturang incentives ng 62,800 na gurong kabilang dito,” sinabi ni Castro.

“Imoral na kukuhanin pa sa MOOE ang pondo para sa CNA incentive kung saan napakalaki ng pangangailangan ng mga paaralan na pangunahing tinutugunan nito [MOOE],” ani ng kongresista.

Matapos ang pagtatanong ni Rep. Castro sa 2017 budget presentation sa Development Budget Coordinating Committee (DBCC) ay nangako ang DBM na pag-aaralan ang iba pang mga maaaring pagkuhanan ng pondo para sa CNA incentive.###

Comments are closed.