Home » Activities

Rep. Castro votes against the anti-poor Tax Reform Bill

31 May 2017 No Comment

Bumoboto ang Representasyong ito ng NO sa House Bill 5636 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN dahil ito ay anti-poor.

Castro TRAIN

Ililinaw ko na pabor ako sa pagpapababa ng personal income tax para sa manggagawa at empleyado sa publiko at pribadong sektor. Isyu ito ng hustisya. Ako mismo ay mula sa rank-and-file sa sektor ng edukasyon, at mapatutunayan ko na ang aming hanay, pati na rin ang counterparts namin sa pribadong paaralan, sampu ng uring manggagawa sa ibang industriya, ay di lang overworked at underpaid–Overtaxed pa kami. Kaya matagal nang sigaw ang mababang income tax na magdadagdag sa kanilang take home pay para naman may ma-afford silang disenteng buhay para sa kanilang pamilya.

Subalit ang panukalang ipinapasa natin ngayon ay higit pa sa bigay-bawi, Mr. Speaker. Ang House Bill 5636 na ito ay isang tren na raragasa sa masang Pilipino, lalo na sa mga mahihirap nating kababayan. Indirect taxes–o buwis na pinapasa rin sa konsyumer–partikular ang bagong excise taxes sa produktong petrolyo at mas pinalawak na VAT ay sasagasa sa minimum wage earners, mga nasa informal sektor, mga walang trabaho o pinagkakakitaan, at mga subsistence poor, sa porma ng mas mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Datos ng DOF mismo ang nagsabing dahil sa VAT pa lang, tatapyasan ng hanggang P1,189 ang take home pay ng subsistence poor, at P13,652 para sa middle class, at tataas ang presyo ng pagkain hanggang 1.6% at ang overall inflation rate ay tataas nang 1.5 percentage points na dodoble sa inflation nang 3.3%.

Sa pagpasa ang TRAIN, sasagasa sa mamamayan ang pamatay na VAT-excise tax combo–Ang lahat ng produktong petrolyo ay papatawan ng excise tax BUKOD PA SA KASALUKUYANG VAT. Ang LPG, diesel, at kerosene halimbawa, na ginagamit ng karaniwang pamilya at ngayo’y walang tax, ay papatawan muna ng tatlong piso kada litro, PAGKATAPOS AY BUBUWISAN PA NG DAGDAG NA 12% VAT. Magiging anim na piso ang excise tax sa mga ito pagdating ng 2020. At di matatapos dito ang disgrasya para sa sambayanan dahil magkakaroon ng domino effect na pagtaas ng presyo ng lahat ng mga bilihin at serbisyong gumagamit ng petrol products.

Kinukundena ko ang pagtali ng agarang income tax relief sa kondisyong ilusot ang dagdag na papasaning buwis ng mamamayang Pilipino. Imbis na lubusang ibigay ang economic relief at sagutin ang makatuwirang demand para sa tax justice, lalo pang lulubugin ang mamamayan sa kahirapan, at palalakihin pa ang agwat sa pagitan ng mga mahihirap at mayayaman.

Inuulit ko ang boto ko laban sa panukalang ito. Let our records reflect the resounding dissent of teachers, low- and middle-income earners, most especially the Filipino poor to this bill.###

Comments are closed.