Home » Headline

Teachers Salary Upgrading (HB2142), Isabatas! Performance Based Bonus (E.O.80), Ibasura!

23 February 2013 No Comment

Pebrero 14, 2013, tinapos na ng Committee ang guidelines ng Performance Based Bonus (PBB). Ipinagmamalaki ng DepEd na ginawan na nila ng paraan para lahat ay tumanggap ng PBB. Kung noon ay Good, Better at Best lamang ang ranking, ngayon ay mayroon nang almost better, almost best at almost good. Samakatuwid, lahat tayo ay tatanggap na ng PBB sa minimum na P5,000 alinsunod sa nasabing guidelines.

Hindi na rin magkakaroon ng ranking ang mga individual na guro, sa halip per school na lamang ang ranking at ang Division Superentendent ang bahala rito. Sa kasalukuyang taon lamang mangyayari ito, ayon kay Asec. Mateo na siyang Chairman ng Committee on Guidelines. Sa mga susunod na taon ay ipatutupad na ang ranking per individual teacher.

Kahit ano pa ang gawin nila, kahit kalianman hindi pa rin magugustahan ng mga teachers ang PBB. Mapanlinlang ito dahil hindi naman ito dagdag na sahod na kasama sa kwenta sa ating 13th mo pay at retirement pay. Tiyak na hindi tayo magka-kapareho ng tatangapin kaya discriminatory ito, bukod pa sa mapanghati, kung saan siyempre mas mataas o mas malaki ang makukuha ng malalapit sa kusina kaya pagmumulan lamang ito ng sipsipan sa ating mga principal.

Malinaw na divide and rule tactic ito ng gobyernong Aquino. Malaking insulto ito sa mga guro sapagkat salungat ito sa prinsipyong equal pay for equal work. Direktang atake din ito sa ating pag-uunyon dahil ipinaglalaban natin ang pagkakapantay-pantay ng ating mga benepisyo hindi lamang sa National Capital Region (NCR) kundi sa mga guro ng buong kapuluan ng bansa.

Tinanggalan ng allowance ang PAG-ASA, MMDA, Inalis na rin ang medical allowance ng mga guro sa Quezon City at sa Maynila naman ay binawal na rin ang pagbibigay ng P500 mula sa General Fund ng Lungsod. Maghigpit ng sinturon ang nais na ipatupad sa atin ng gobyernong Aquino habang siya ang naka-pwesto sa Malakanyang upang matiyak ang pambayad sa utang panlabas. Ginawang P5,000 ang dating P10,000 PEI natin upang sila’y makatipid samantalang tumanggap ng P1.6M ang bawat senador bilang Christmas bonus. Ito ang daang matuwid habang namamayagpag ang mga dayuhang kapitalista sa ating bansa sa ngalan ng Public Private Partnership na programa ni P-noy.

Sadyang manhid ang gobyernong Aquino sa kagalingan at kapakanan ng mga guro. Mahigit dalawang taon na si P-Noy sa poder subalit wala man lamang palatandaan upang mabigyan ng disenteng pamumuhay at marangal na sahod ang mga guro sa kanilang marangal na propesyon. Sumasalamin lamang ito sa napakaliit na iniuukol na budget ng edukasyon kung kaya kung kaya patuloy na nabubulok ang sistema nito.

Ibalik ang P10,000 na Productivity Enhancement Incentive (PEI) , na tatlong taon na nating tinatanggap wala nang mahabang usapan pa. Ibasura ang PBB, na sa kaunting halaga lamang ay pag-aawayin pa tayo at para bang duamadaan tayo sa butas ng karayom. Kasalanan ba ng mga guro kung unliquidated ang MOOE, mababang NAT at mataas ang drop-out rate ng paaralan?

Alalahanin natin na ang Pilipinas ang may pinaka- maliit na budget sa buong Asya 2.6% ng GDP, kasunod ng Cambodia kumpara sa international standard na itinatakda ng UNESCO na dapat ay 6% ng Gross Domestic Product (GNP). Hindi rin kataka –taka na ang NCR ang pangalawa sa kulelat sa usapin ng NAT kasunod ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).

Upgrading of Teachers Salaries ang gusto ng mga guro at hindi PBB, sa katunayan matagal nang nakahain sa Kongreso at Senado ang mga panukalang batas na dagdag na sahod ng mga guro at kawani ng Pamahalaan subalit hinaharang ito ng Malakanyang at DBM. Sa katunayan walang planong dagdag na sahod para sa mga guro at kawani ng Pamahalaan ayon sa Phil. Eco Development Plan ni P-Noy hanggang taong 2015.

Sa ganitong kalagayan kung bakit ngayon pa lamang ay dapat maging handa tayo at magkaisa. Abutin natin ang pinaka malawak na bilang ng mga guro sapagkat taanging sama-samang pagkilos lamang ang aasahan natin upang tutulan at labanan ang plano ng gobyernong paghihigpit ng sinturon sa mga mamamayan sa gitna ng tumataas na presyo ng langis, tubig at kuryente pati ng mga bilihin.

IBALIK P10,000 NA PEI, PBB IBASURA!
UPGRADE TEACHERS SALARIES NOW, JUNK E.0 80!
SAHOD, TRABAHO AT KARAPATAN, IPAGLABAN!
BADYET SA EDUKASYON, DAGDAGAN!

Comments are closed.